An mga Bantay han Dagat (Ang mga bantay ng dagat)
By Sophia Kaye Fernandez
Hindi na bago sa akin ang mukha, ngiti, at mga bungisngis ng mga mangingisda sa mga lugar na pinagtatrabahuhan namin sa Eastern Samar. Kapag nakikita nila ako, ngingiti sila at babati na may kasamang “ma’am” sa hulihan, na tila ba ako ay mas matanda sa kanila. Lumaki ako sa lugar na mas karaniwan ang pagsasaka bilang hanapbuhay ng mga tao, kaya bago sa akin ang masaksihan nang malapitan ang buhay ng mga taong ang araw-araw na trabaho ay nakasalalay sa dagat.

Doon ko rin napagtanto kung gaano kaganda ang paglubog ng araw sa dagat at kung gaano katatag ang likod ng isang bantay dagat.
Marami at malalim ang kanilang mga kuwento. Ngunit sa kabila ng kanilang iba’t ibang karanasan sa pamamalaot, may isang tema na parati nilang binabalikan, ang ginagawa raw nila ay para sa susunod na henerasyon.
Isang simpleng dahilan, ngunit sa panahon ngayon, tila isa na itong uri ng sakripisyong bihira na nating makita.
Si Kuya Katalino, ang Vice President ng Samahan ng Bantay Dagat ng SUNGOBA nga Nagkakaurusa o SBDSAN, sa Baras, Guiuan, ay isa sa mga nagsusulong sa adhikaing ito. Para sa kanya, ang pinakamalaking hamon ng pagiging bantay-dagat ay hindi lamang ang kakulangan ng kagamitan o suporta, ito rin ay ang panganib na kaakibat ng kanilang ginagawa.
Bagama’t ang ginagawa nila ay ang pagprotekta sa dagat at sa mga yaman dito, hindi ito bukas sa isipan ng lahat ng tao, kahit pa sa kapwa nilang mangingisda.
Alam ito ni Kuya Edgar.
Isa siya sa mga unang miyembro ng grupo noong ito ay hindi pa ganap na kinikilala ng kanilang komunidad at boluntaryo lamang. Napilitang huminto si Kuya Edgar dahil sa pangamba ng kanyang mga magulang sa panganib na kaakibat ng kanyang ginagawang serbisyo. Nakakatanggap na rin kasi siya ng mga banta sa buhay.

Pero kalaunan ay bumalik din siya. Hindi dahil ligtas na ang dagat o dumami na ang kanilang kagamitan sa pagpapatrolya. Bumalik siya dahil gusto niyang protektahan ang mga isda para sa susunod na henerasyon. Pitong taon na ang lumipas simula nang bumalik siya sa grupo.
Ang SBDSAN, na nagsimula bilang Bantay Dagat Calicoan Fleet, ay isang aktibong grupo sa Eastern Samar na nagsusulong ng proteksyon sa yamang dagat laban sa ilegal na pangingisda at iba pang gawaing nakakapinsala sa karagatan. Ito ay nabuo mula sa tatlong grupo matapos ang Bagyong Yolanda.
Sa kasalukuyan, sila ang nangunguna sa pangangalaga sa karagatan ng Guiuan, at ngayon, inaaral ang konserbasyon ng kanilang mga bakawan o mangroves sa pamamagitan ng ecotourism.
Katulad nina Kuya Katalino at Kuya Edgar, may mahalagang papel din ang mga bantay-dagat sa Seguinon, Salcedo.

Ayon kay Ate Rowena, ang secretary ng Seguinon Fisherfolks Association, simple lamang ang layunin ng kanilang samahan, ito ay protektahan ang kanilang dagat at ang kanilang mga bakawan upang matiyak na may matitira pang likas na yaman para sa susunod na henerasyon.
Ngunit tulad ng kuwento ng Guiuan, naging malaking hamon din sa kanila ang pagkasira ng kanilang mga bakawan na ginagamit para sa pansariling pakinabang.

Sa bawat araw na paglaot sa dagat, dala nila ang adhikaing maprotektahan ito, ngunit may isang tanong na hindi mawawala sa akin:
May kahulugan pa ba ang ganitong sakripisyo?
Ang mga bantay-dagat ay hindi mayayamang tao at lalong hindi rin sila makapangyarihan. Sila ay mga simpleng mangingisda na ang kabuhayan ay nakasalalay sa dagat na kanilang binabantayan.
Sila rin ay may sariling pamilya na nag-aabang sa kanilang mga tahanan at may mga anak na may mga sarili ring pangarap na kailangan nilang sustentuhan.
At gayunpaman, pinipili pa rin nilang bantayan ang dagat.

Marahil iba ang kanilang perspektibo dito.
Baka mas nakikita nila na kapag iiwan nila ang dagat, mawawala ang isda, masisira ang mga bakawan, at maubos ang yamang-dagat, lahat tayo, kasama na ang susunod na henerasyon, ay mawawalan.
Sa susunod na makita ko ang paglubog ng araw sa Eastern Samar, marahil hindi ko na lamang makikita ang ganda ng tanawin. Ito rin ang nagpapaalala sa akin sa mga taong araw-araw na humaharap sa dagat upang manatili itong buhay sa mga darating pang panahon.